RIO, Brazil – Nag-iisang Pinay si Kirstie Elaine Alora na sasabak sa taekwondo sa Rio Games.

At ang pag-asa ng bansa na makakita ng kulay ng medalya sa naturang sports ay maagang malalagay sa alanganin nang mabunot na kalaban ni Alora ang world No. 1 sa kanyang debisyon na si Maria Espinoza ng Mexico.

“Luck of draw,” pabirong pahayag ni Alora, kabilang sa anim na atletang Pinoy na naunang dumating dito para makaagapay sa kapaligiran.

“Masasabing maliit ‘yung chance, pero lalaban tayo ng sabayan. Suntok sa buwan ang pagkakataon ito kaya susulitin ko naman,” aniya.

Wrestler-actor Dwayne Johnson, may pasabog sa fans; balik wrestling ring?

Ang matikas na si Espinoza ang kampeon sa 2008 Beijing Games, ngunit bumagsak lamang ito sa bronze sa London edition noong 2012.

“Experience-wise, lamang siya. Pero hindi natin masasabi ang sitwasyon, baka mas malaki ang puso natin sa oras na laban,” aniya.

Nakatakda ang opening bout nina Alora at Espinoza para sa +67 khg. Weight class sa Agosto 20.

“I will fight Mexico (Espinoza), the top one in my category. I think I have good chance in winning,” aniya.

Sa kasalukuyan, No.24 si Alora sa kanyang timbang, subalit kung pagbabatayan ang taas, hindi nagkakalayo ang dalawang fighter.

“Dati ang problema namin is the height of my opponents, kadalasan six foot plus sila. But then dun sa draw lots namin ayun yung nakikita naming almost kasing height ko lang so I think pantay-pantay naman kaming lahat doon,” pahayag ng 5-foot-8 jin.

Nakakuha ng tiket sa Rio si Alora nang magwagi ng silver medal sa Olympic qualifying na ginanap sa Manila nitong Abril.