Tinalo ni Catherine Joyce Barrientos ng Notre Dame Kidapawan ang teammate na si Regina Glaze Neri, 21-14, 21-10, upang maangkin ang girls’ under-15 title sa Mindanao Leg ng MVP National Juniors Badminton Championship na ginanap sa Koronadal City, South Cotabato.
Kasunod nito ay nakipagtambalan si Barrientos kay Neri sa Under-15 doubles para gapiin sina Karylle Kaye Molina ng Talomo Anchors of Davao City at Maxeene Renee Olango ng Cagayan de Oro Shuttle Buster, 21-9, 21-10, para sa ikalawa niyang titulo.
Pinataob naman ni Ethan Dupet ng Tacurong City ng Battledore Team si Kent Joshua Cruz ng MRBBC D’Smashers, 21-18, 21-16, para makopo ang boys’ U-13 championship, ang kanyang ikalawa sa 4- na araw na torneo na inorganisa ng Forthright Events na kinatawan ni tournament director Yoly Araullo.
Naunang nagwagi si Redmond Paul Rivera ng Panabo Smashers Club, 21-9, 21-12, sa finals ng U-11 division.
Sa girls’ U-13 singles, iginupo ni Maxene Renee Olango ng CDO Shuttle Busters si Lady Zazhca Tuario ng Metro Kidapawan, 17-21, 21-15, 21-11, para sa titulo, habang dinaig ni Althea Dawn Ocampo ng Gingoog City si Andre Alexis Macalaglag ng CBDD Smashers of Mati, 21-19, 21-14, para magkampeon sa girls’ U-11.
Ang iba pang mga nanalo sa torneo ay sina Denis Ben Felipe at Johnyl Mialda (U-15 doubles), Ron Danelle Cabalquinto at Arthur Samuel Gavarra Salvado (U-17 doubles), Karylle Kaye Molina at Jennifer Helyn Saladaga (U-17 doubles), Jervin Dyler Carlos at Josh Olin Defensor (U-19 doubles), Jiselle Joy Capillo at Marinel Diansay (U-19 doubles), Dennis Ben Felipe, at Camille Buagas (U-15 mixed). (Marivic Awitan)