Sinimulan ng Team Philippines Under -19 girls volleyball team ang kampanya sa impresibong straight set victory kontra Singapore sa “Princess Cup” 19th Est Cola South East Asian Women U19’s Volleyball Championship, sa Si Sa Ket, Thailand.

Hataw ang Pinay belles sa kaagahan ng laro tungo sa matikas na 25-9, 25-14 at 25-23 panalo sa unang laro sa Group A pool play para patatagin ang kampanya para sa gintong medalya.

Nakatakdang makasagupa ng Pinay ang New Zealand sa ganap na 4:00 ng hapon, target ang panalo na magbibigay sa kanila ng awtomatikong silya sa apat na koponang semifinals.

Huli nitong makakasagupa ang powerhouse Thailand, nagwagi sa New Zealand, 25-12, 25-11, 25-7.

May nandura? Komosyon sa pagitan ng UP, La Salle coaches, lumala!

Ang koponan ay binubuo nina Ma. Shaya Adorador, Kathleen Faith Arado, Rachel Austero, Ria Beatriz Glennell Duremdes, Necelle Mae Gual, Mikaela Juanich, Diane Latayan, Angeline Marie Magundayao Mary Anne Mendrez, Jasmine Nabor Princess Ordonez, Seth Rodriguez, Bianca Tripoli, at Jeanetter Villareal.

Pinangangasiwaan ang koponan ni coach Francis Vicente.

Mula rito, sasabak ang koponan SMM 2016 Asian Est Cola Women’s U19 Championship na gaganapin sa Nakhon Ratchasima, Thailand sa Hulyo 23-31.

Walong koponan ang sumabak sa 2016 South East Asian Women’s U19 Volleyball Championships kung saan magkakasama sa Pool A ang host Thailand, Philippines, New Zealand, at Singapore. Nasa Pool B ang Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Australia

Sa SMM 2016 Asian Est Cola Women’s U19 , magkakasama ang host Thailand, Sri Lanka at Vietnam sa Pool A, habang nasa Pool B ang defending champion China, Kazakhstan, Hong Kong, at New Zealand. Nasa Pool C ang Japan, na pumangalawa sa huling edisyon ng torneo, India, Macao at Iran habang ang Korea, Chinese Taipei, Australia, at ang Pilipinas sa Pool D. - Angie Oredo