DAVAO CITY -- Pinaigting ng gobyerno ang seguridad sa mga entry at exit point ng lungsod matapos ihayag ng City Hall nitong Huwebes na tinatarget ng teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang bayan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Sinabi ni Acting Mayor Paolo Z. Duterte na inimpormahan na tungkol sa ulat ang militar at pulisya.

Iniutos din ng acting mayor ang pagpapaigting sa intelligence gathering upang masupil ang anumang posibleng pag-atake mula sa international terror group.

Sinabi niya na mayroon na siyang mga impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng grupo ngunit tumangging magbigay ng karagdagang detalye.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Kailangan munang matiyak ang impormasyon, aniya.

“We are intensifying the gathering of information. We cannot disclose details or confirm anything as of yet,” aniya.

Sinabi ni Duterte na nakipag-ugnayan na siya sa anti-terrorism group, ang Task Force Davao, ng Davao City Police Office, at sa Eastern Mindanao Command ng militar upang makakuha ng mga karagdagang impormasyon kaugnay sa nasabing banta.

Ang main entry points ng Davao City ay binabantayan ngayon ng mga tauhan mula sa TF Davao, na pinababa sa sasakyan ang mga pasahero ng public transport habang ginagalugad ng mga awtoridad ang mga behikulo gamit ang K9 units.

Kinakapkapan din ang mga pasahero.

Habang isinusulat ang balitang ito, wala pang inilalabas na travel warning sa Davao City ang United States, maliban sa travel advisory laban sa pagbiyahe sa iba pang panig ng Mindanao, partikular sa kapuluan ng Sulu sa travel warning na may petsang Abril 21, 2016.

Binabalaan ang mga mamamayan ng US laban sa “all non-essential travel to the Sulu Archipelago and through the southern Sulu Sea,… due to continued terrorists threats, insurgent activities, and kidnappings.” (YAS D. OCAMPO)