DIRETSAHANG inamin ni Maine Mendoza sa prescon ng Imagine You & Me ng APT Entertainment na hindi pa siya handang makipagsabayan ng acting kay Alden Richards.

Marami pa raw siyang kailangang pagdaanan bago siya gumanap sa isang madramang teleserye.

“Sa tingin ko, eh, hindi pa ako ready. Basta ako, eh, happy na sa kung anuman ang nararating ko at okey na sa akin kung forever Eat Bulaga lang ako,” sey ng isa sa mga pinakasikat na showbiz celebrity ngayon.

Sa husay daw ni Alden pagdating sa drama, hindi siya handang makakasabay. Kaya tama na munang sa pagpapatawa siya luminya.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Tama na po ‘yung nagawa ko, natupad na ang dream kong maging artista. Meron na kaming solo movie ni Alden na ipapalabas na this coming July 13. Nakapagsulat na rin ako ng theme song para sa movie namin. Sa akin, eh, p’wede na akong forever Eat Bulaga na lang habang panahon,” banggit pa ni Maine.

Hindi rin kinontra ni Maine ang intriga na kung hindi dahil sa nabuong love team nila ni Alden ay hindi nila makatamtan ang tinatamasa nilang kasikatan.

“Sa totoo lang naman, eh, hindi rin naman ako takot na mawala ‘yung sinasabi nilang kasikatan ko ngayon. Kasi po ang purpose ko naman kaya ko ginagawa ito, eh, para magpasaya ng mga tao kasi nakikita ko po silang masaya and nai-inspire ko po sila,” sabi ng dalaga.

Dahil sa kasikatan ng loveteam nila, marami ang umaasa na sisira ng box office records ang launching movie nila.

“Kinakabahan kami. Pero naniniwala kami pareho ni Alden na magiging maganda ang kinalabasan ng movie naming ito.

Pinaghirapan namin ito. Sana maging successful,” sey ni Maine.

Samantala, nagmistulang may bonggang kasalan sa grand ballroom ng Novotel Hotel nang ganapin ang prescon ng pelikulang Imagine You & Me. Pinalibutan ng magaganda at napakaraming bulaklak ang venue at elegante ang mga bida sa presidential table kasama sina Cai Cortez, Cacai Bautista, Jasmine Curtis-Smith at Direk Mike Tuviera. (JIMI ESCALA)