JRU Bombers, kinastigo ni Meneses.

Kung puntirya ni coach Vergel Meneses na buhayin ang loob at itaas ang moral ng Heavy Bombers, harinawa’y tumagos sa puso ng mga player ang kanyang pagmamarkulyo.

Parang labadang sinabunan, binanlawan at iniwang gusot ang isipan at damdamin ng Heavy Bombers nang harapin nila ang ngitngit ni Meneses sa loob ng dug-out matapos makamit ang ikalawang sunod na kabiguan nitong Biyernes sa NCAA Season 92 seniors basketball tournament sa The Arena.

Nabigo ang Bombers sa University of Perpetual Help Altas sa low-scoring match 50-58. Ngunit, para kay Meneses, hindi ang kabiguan ang ikinadidismaya niya kundi ang kawalan ng character ng koponan na magpamalas ng katatagan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Ilagay nyo sa headline, ‘Attitude.’ Yung mga players ko, walang pride,” salubong ni Meneses sa mga reporter na nag-aabang para sa post-game interview.

Sa kasawiang-palad, hindi na nagpaunlak pa ng panayam ang dating PBA superstar at kaagad na tumalilis palabas ng arena.

Isa ang Heavy Bombers sa itinalagang pre-season favourite, ngunit hindi ito lumagay sa kinatatayuan nang maungusan ng Mapua Cardinals sa opening game, 74-71, bago nasundan ng kabiguan sa kamay ng Altas.

Tanging si Tey Teodoro ang umiskor ng double digit sa JRU na halos mag-isang binalikat ang laban sa naiskor na 19 na puntos sa first half.

“Sana man lang naka-isa kami,” sambit ni Teodoro.

“Nakaka-frustrate lang ngayon. Sobrang galit na sa amin ni coach Vergel kasi di niya expected ito.”

“Nakayuko na lang kami lahat. Galit na galit pa si coach sa import namin. Si Bright, injured na pero siya pa rin yung dahilan kung bakit kami natalo,” aniya.

“Talagang pinaghandaan namin yung game na ito. Yung opening game, talagang minsan, nabibigla talaga. Pero dito, talagang handa kami pero wala, talo pa rin kami,”

Hindi naman makapag-bigay ng katiyakan si Teodoro na mas magiging matapang ang Bombers sa mga susunod na laban, para pasinungalingan ang naging pahayag sa kanila ni Meneses.

“Siguro po kailangan naming mag-step up. Hindi puwedeng ganito. Kaya naman naming manalo, pero parang may kulang,”aniya.

May pagkakataon ang Heavy Bombers na magnilay-nilay para sa susunod na pagsabak matapos ang 11 araw na pahinga ng liga para bigyan daan ang gaganaping Fiba Olympic Qualifying Tournament simula bukas sa Moa Arena. (marivic awitan)