Pagsuplong sa red tape, mas mabilis na proseso sa aplikasyon at pagbibigay ng business permit ang nagbigay-daan sa daan-daang lokal at banyagang negosyante upang mahikayat na magnegosyo sa Parañaque City, sinabi kahapon ni Mayor Edwin Olivarez.
Ipinagmalaki ni Olivarez sa kanyang ikaapat na state-of-city address ang reporma sa lungsod at ang mga pagbabagong nagawa sa nakalipas na tatlong taon upang mabalik ang tiwalang nawala dahil sa bilyong pisong utang ng dating administrasyon.
Inihayag ng re-elected mayor na may 17,122 registered business permit noong 2014, 20,679 noong 2015, at sa loob lamang ng anim na buwan ng 2016 ay lumabas sa record na may 19,547 recorded business permits na. May naitala ring P1.5-bilyon koleksiyon ang lungsod sa pagkuha pa lang ng business permit, giit ni Olivarez.
Paliwanag ni Olivarez, malaki ang impact ng investment ng dalawa sa pinakamalalaki at prestihiyosong kumpanya sa lungsod, ang City of Dreams at Solaire Hotel and Casino sa Entertainment City sa Coastal Road.
Dagdag pa ng mayor, kamakailan ay tatlong malalaking kumpanya pa ang nag-invest at magpapatayo ng negosyo sa siyudad — ang Tiger Resort, Resorts World, at Ayala Malls, na ang huli ay inaasahang pinakamalaki sa Asya.
(Princess Enriquez)