Duguang humandusay sa semento ang isang mister matapos siyang pagbabarilin ng isang magkapatid dahil sa pagtanggi ng una na magbayad ng kuryente sa Caloocan City, nitong Biyernes ng gabi.
Dead on the spot si Teddy Regalado, 43, ng No. 1923 Camia Street, Barangay 177 ng nasabing lungsod, dahil sa tama ng .38 caliber revolver sa dibdib.
Mabilis namang tumakas ang magkapatid na nakilala lamang sa mga pangalang Alvin at Allen.
Ang mag-utol umano ang utak sa pagkakabit ng jumper sa kanilang lugar.
Ayon sa report, dakong 6:40 ng gabi nang mangyari ang krimen sa Champaca Street.
Siningil umano ni Alvin si Regalado sa lingguhang bayad nito sa kuryente, pero hindi ito nagbayad.
Nagkasagutan ang dalawa hanggang sa dumating si Allen at binaril ang biktima. (Orly L. Barcala)