Aabot sa 300 drug pusher at addict ang kusang sumuko sa Pasay City Police nitong Biyernes kasunod ng babala ng administrasyong Duterte sa mga sangkot sa ilegal na droga.
Base sa ulat mula sa Station Investigation and Detective Management Branch, boluntaryong nagtungo ang mga pusher at user sa Pasay City Sports Complex upang magbigay ng impormasyon na makatutulong sa pulisya sa pagtukoy sa pinanggagalingan ng mga droga.
Ito ay matapos ipatupad ng Pasay Police ang “Oplan Tokhang” o pagkatok sa bahay para pakiusapan ang mga naninirahan na hikayatin ang mga durugista at pusher sa kanilang komunidad na talikuran na ang masamang bisyo.
Ayon sa pulisya, isasailalim ang mga drug pusher at user sa rehabilitasyon at oobligahin din ang mga ito na lumagda sa isang sertipikasyon na nagsasabing magbabagong-buhay na sila at hindi na muling gagamit o magtutulak ng ipinagbabawal na gamot.
Karamihan sa mga sumukong drug offender ay nagsabi sa pulisya na takot silang mapatay, lalo na nang magbigay ng ultimatum si Pangulong Duterte laban sa mga tulak at addict sa kanyang pag-upo sa Malacañang.
Umaasa rin ang Pasay City Police na marami pa ang susuko sa ilalim ng “Oplan Tokhang”, sa pamumuno ni Senior Supt. Nolasco Bathan, ang bagong officer-in-charge ng himpilan. (Martin A. Sadongdong)