Maaaring pumasok ano mang oras ang Indonesian security forces sa teritoryo ng Pilipinas upang magsagawa ng rescue mission sa pitong manlalayag nito na binihag ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Sulu.
Base sa prinsipyong “hot pursuit operations,” iginiit ni Gazmin na maaaring habulin ng puwersa ng Indonesia ang mga kriminal o terorista na nasa teritoryo na ng Pilipinas subalit nagsagawa ng krimen sa kanilang bansa.
Sa ilalim ng 1975 Border Crossing Agreement, maaaring pumasok ang Indonesian security forces sa maritime zone ng Pilipinas sa konsepto ng hot pursuit at ganun din para sa militar ng Pilipinas.
Nakasaad din sa kasunduan na dapat munang makipag-ugnayan sa Pilipinas ang Indonesian forces upang magsagawa ng joint operation ang dalawang puwersa.
Ang hakbang na ito ay bilang pinagkaisang estratehiya upang matugunan, maiwasan at maresolba ang mga transnational crime sa magkaalyadong bansa.
Subalit kapag umabot na ang pursuit operation sa lupa, limitado na ang operasyon na maaaring ilunsad ng Indonesian forces, tulad ng pakikipagpalitan ng impormasyon sa Philippine authorities at pagkuha ng interpreter.
Matatandaan na dinukot ng mga pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf ang pitong Indonesian crew habang naglalayag sa karagatan ng Sulu nitong Hunyo 22. (Elena L. Aben)