Humakbang palapit sa inaasam na championship round ang Bali Pure nang maungusan ang dating tormentor na Pocari Sweat, 25-20, 25-19, 26-24, sa Game One ng kanilang best-of-three semifinal series sa Shakey’s V-League Season 13 Open Conference nitong Miyerkules, sa San Juan Arena.

Matikas na nakihamok ang Purest Water Defenders, sa pangunguna ni collegiate star Alyssa Valdez, para makuha ang panalo at makabawi sa kabiguang natamo sa Lady Warriors sa elimination round, 25-21, 25-6, 24-26, 25-27, 17-19.

Nagbanta ang Pocari Sweat na makahirit nang set nang makuha ang bentahe sa 22-20, ngunit kaagad na nakaalpas ang Bali Pure para maagaw ang bentahe tungo sa mahigpitang panalo.

Binasag ni Valdez ang huling pagtabla sa 24-all nang ibigay nito ang ikalawang second match point sa Bali Pure, 25-24, bago tuluyang sinelyuhan ang panalo mula sa service ace ni Amy Amohiro.

Elasto Painters, nakabawi sa Beermen matapos ang 11-game losing streak; June Mar, nabutata!

Mistulang niregaluhan ni Valdez ang sarili sa pagdiriwang ng ika-23 kaarawan sa naiskor na 23 puntos, tampok ang 19 spike, isang block at tatlong service ace.

Nanguna sa Pocari sina skipper Michele Gumabao at Elaine Kasilag na kapwa may 11 puntos.

Nakauna rin ang top seeded Philippine Air Force sa hiwalay na best-of-three series kontra Laoag, 25-20, 26-24, 26-24. (Marivic Awitan)