Aabot sa 650 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na naganap sa Barangay Baesa, Quezon City, kamakalawa ng hapon, iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay QC Fire Marshall Senior Supt. Jesus Fernandez, dakong 2:30 kamakalawa ng hapon nang sumiklab ang sunog mula sa 2-storey building upholstery shop at mabilis na kumalat sa mahigit 300 bahay sa Sitio Pajo, Bgy. Baesa.
Lumitaw sa imbestigasyon ng Quezon City Fire Department na posibleng faulty electrical wiring ang pinagmulan ng sunog.
Naapula ang apoy sa unang pagkakataon matapos ang mahigit dalawang oras.
Subalit ilang saglit lamang ay muling nagliyab ang kalapit na bahay dulot ng malakas na hangin.
Umabot sa ikalimang alarma ang sunog bago tuluyang naapula ang apoy ng rumespondeng BFP personnel, katuwang ang mga volunteer fire fighter, barangay tanod at mismong mga residente dakong 7:00 ng gabi.
Agad namang nagpadala ng tulong si Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte sa mga biktima, pansamantalang tumutuloy sa covered court, ng mga bottled water, pagkain, at damit. (Jun Fabon)