Sinisiyasat ng Makati City Police ang pagkamatay ng isang call center agent matapos madiskubre ang lumulutang na bangkay nito sa tubig sa isang basement ng abandonadong gusali sa lungsod, nitong Lunes.
Kinilala sa pamamagitan ng narekober na ID card ang biktimang si Lorenzo Peña, 22, residente ng Sun Valley Subdivision, Parañaque City.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Rico Caramat, dakong 3:30 ng hapon nitong Lunes nang matagpuang wala nang buhay ang biktima na lumulutang sa naipong tubig sa 5th Level basement ng abandonadong gusali sa Hernandez Street, panulukan ng EDSA at Pasay Road sa Barangay San Lorenzo Village.
Sa pahayag ng anak ng caretaker na si Regine Deoleste, dakong 9:30 ng gabi nitong Biyernes nang makita niyang pumasok sa naturang gusali ang biktima.
Makalipas ang ilang araw ay bumalik sa gusali si Deoleste at nakita niya ang ID ng biktima kaya tinawagan niya ang nakasaad na contact number ng kaanak ni Peña upang ipabatid na pumasok ang binata sa nasabing gusali.
Agad humingi ng tulong ang kaanak ng biktima sa mga opisyal ng barangay doon upang hanapin ang binata sa lugar dahil ilang araw na itong hindi umuuwi.
Pagdating sa abandonadong gusali, bumulaga sa kanila ang nakalutang na bangkay ng biktima sa tubig. (Bella Gamotea)