GAPAN CITY, Nueva Ecija - Muli na namang umiskor ang Bolt Cutter gang at sunud-sunod na ninakawan ang apat na establisimyento na nasa unang palapag ng Divina Pastora Building sa Barangay San Lorenzo sa siyudad na ito.

Sa ulat na ipinarating ni Supt. Peter Madria, hepe ng Gapan City Police, kay City Mayor-elect Emerson Pascual, magkakasunod na ninakawan ng grupo ng mga suspek ang Café La Tea ni Lawrence Manalaysay y Danao, 36, ng Bgy. Soledad, Sta. Rosa, Nueva Ecija; House of Sizzling ni Jocelyn Trinidad Simon, 34, ng Bgy. San Lorenzo; R&R Bistro Café ni Renelyn Padilla-Maniquiz, 42, ng Bgy. Las Piñas, Peñaranda, Nueva Ecija; at Netabites Internet Café ni Mercedes De Guzman-Leonardo, 68, ng Bgy. San Lorenzo.

Pawang pinutol ang mga padlock sa mga roll-on door ng mga nabanggit na establisimyento nitong Biyernes ng gabi.

Aabot sa P31,800 cash ang natangay sa Café La Tea, P3,500 sa House of Sizzling, P300 sa R&R Bistro Café, at P600 at dalawang Samsung tablet na nagkakahalaga ng P5,000 ang natangay naman sa Netabites. (Light A. Nolasco)

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog