Kasabay ng pagtilaok ng manok kahapon ng madaling araw, sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa Pacamara Street, Barangay Commonwealth, Quezon City, na ikinasawi ng dalawang magkaibigan.
Kinilala ni Supt. Robert Sales, hepe ng Batasan Police Station 6, ang dalawang napatay na sina Michael Mejica, 28, ng 22 Castillo St., Bgy. Commonwealth; at Arturo Saura, 29, ng 2288 Mango Street, ng naturang barangay.
Sina Mejica at Saura ay nakita na lamang ng mga residente na kapwa nakahandusay sa Pacamara Street at may mga tama ng bala sa ulo at katawan.
Tinutugis naman ng awtoridad ang hindi nakilalang mga suspek na tumakas matapos ang pamamaril.
Base sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), dakong 4:30 ng umaga nang makarinig si Jimel Manibo ng mga putok ng baril habang nasa loob siya ng kanyang tindahan.
Sa kanyang paglabas sa tindahan, tumambad sa kanya ang duguang bangkay ng dalawa kaya agad siyang humingi ng tulong sa himpilan ng pulisya.
Nabatid naman sa imbestigasyon na may banta umano sa buhay ni Mejica kaya hindi ito lumalabas ng bahay sa nakalipas na mga araw.
Samantala, dakong 12:20 ng umaga naman nang pagbabarilin ng nag-iisang suspek hanggang sa bumulagta sina Richard Elcarte Pinlac, 36, ng Phase 3, Lupang Pangako; at John Saver, 26, ng Paco, Maynila, sa Area B. Barangay Payatas, Quezon City.
Dead on the spot si Saver habang isinugod ng mga residente si Pinlac sa Fairview General Hospital pero binawian din ng buhay dahil sa mga tinamong tama ng bala sa ulo at katawan.
Hinala ng pulisya na may kinalaman sa pautang na negosyo ang motibo sa pagpatay sa dalawang biktima. (Jun Fabon)