May kabuuang 25 sangkot sa ilegal na droga ang napatay sa nakalipas na limang araw na operasyon ng pulisya sa Luzon at Visayas, kaya pumalo na sa 58 ang kabuuang napatay pagkatapos matiyak ang pagkakahalal ni President-elect Rodrigo Duterte nitong Mayo 10.

Ngunit sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), na inaasahan nilang maipaliliwanag naman nang maayos ang mga pagkamatay na ito, lalo na dahil may investigation protocol naman sa bawat operasyon na may nasasawing suspek.

Ito ang naging reaksiyon ni Mayor sa pananaw ng marami na lumobo ang bilang ng mga napapatay na sangkot sa ilegal na droga simula nang mahalal bilang susunod na pangulo si Duterte, na hayagang ipinapangako ang paglikida sa mga drug lord at tulak kapag naluklok na siya sa puwesto sa Hunyo 30.

“Part of the investigation is to determine whether the circumstance behind the operation and the circumstances why the suspects were killed,” ani Mayor.

Probinsya

Asawa ng mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, nagpadala raw ng lechon bago ang krimen?

Aniya, may mga unit sa PNP na nagsisiyasat sa mga operasyon ng pulisya, gaya ng Internal Affairs Service na nakatutok sa pagtukoy sa mga pagkakasala ng mga pulis.

“This is to avoid the negative perception and at the same time, for us to know the truth about the involvement policemen (on executing drug suspects). And if they are involved, then they deserved to be removed from the service,” sabi ni Mayor.

Batay sa datos ng PNP, may kabuuang 25 drug suspect ang napatay sa operasyon nitong Hunyo 16-20 lamang sa Luzon at Visayas.

Simula Mayo 10 hanggang nitong Hunyo 15, nasa 29 na sangkot sa ilegal na droga ang napatay sa operasyon ng pulisya, karamihan sa kanila ay sa Central at Southern Luzon. (Aaron Recuenco)