Isang 29-anyos na babae ang dinakip ng pulisya nang saksakin sa leeg ang nakatatandang kapatid ng kanyang kinakasama sa kainitan ng kanilang pagtatalo sa loob ng kanilang bahay sa Binondo, Manila, kamakalawa.

Kasong frustrated homicide ang isinampa sa suspek na si Grace Duaves, residente ng Area B, Parola Compound, Binondo, Manila, matapos saksakin sa kanang bahagi ng leeg ang kanyang bayaw na si George dela Peña, 30, residente ng Gate 46, Area B, Parola Compound.

Si Dela Peña ay kasalukuyang nakaratay sa Gat Andres Bonifacio Hospital.

Ayon sa salaysay ni Buboy, kapatid ng biktima at kinakasama naman ng suspek, dakong 2:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa kanilang bahay.

Metro

Crime rate sa NCR, bumaba sa nakaraang 5 buwan—NCRPO

Sinasabing nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek kaugnay sa problema sa pamilya kaya’t nagawa ng babae na kumuha ng kitchen knife at saksakin ang biktima.

Nang makita ni Buboy ang nangyari sa kapatid ay kaagad umano niya itong isinugod sa pagamutan habang naaresto naman ng mga barangay tanod ang suspek.

Narekober ng awtoridad ang kutsilyo na ginamit ng suspek sa pananaksak. (Mary Ann Santiago)