Masusubukan ngayong Miyerkules, sa metro-wide shake drill ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang messaging platform na Firechat, isang smartphone app na magagamit sa pagpapadala ng mensahe sa cell phone sakaling mawalan ng linya ng komunikasyon sa gitna ng pagtama ng kalamidad, gaya ng malakas na lindol.
Ayon sa pinagtibay na kasunduan sa MMDA nitong Lunes, kahit mawala ang signal sa Internet at cellular, kayang paganahin ng Firechat ang paggamit ng radio waves, tulad ng WiFi o Bluetooth, na standard features ng lahat ng smartphone.
Sa pamamagitan nito, maaaring makakonekta ang dalawang device sa lawak ng 50 metro at maaaring gamitin ng maraming tao ang Firechat sa isang lugar para maging epektibong cellular tower ang bawat smartphone.
Mahalaga ang app na ito sa panahon ng emergency, gaya ng malakas na lindol na kayang sirain ang cellular signal.
“With cellular signal, the more people use their phones, there is a tendency for service to slow down. But with Firechat, the more people use it, it’s actually better,” sabi ni Claudine Aragon, marketing director ng Firechat.
Dahil dito, hinihikayat ni MMDA Chairman Emerson Carlos ang publiko na i-download ang Firechat—na na-download na ng mga tauhan ng ahensiya para magamit na rin sa shake drill ngayong Miyerkules. (Bella Gamotea)