Hiniling ng apo ng namayapang gobernador ng Maguindanao na si Andal Ampatuan, Sr. sa Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) na payagan siyang magdala ng portable air conditioner sa loob ng kanyang kulungan sa QC Jail Annex sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Idinahilan ni Anwar Ampatuan, Jr. na kinakapos ang kanyang paghinga bukod pa sa nakararanas siya ng skin allergy.
Ayon sa mosyon, naging madalas ang nararanasan niyang “hirap sa paghinga” dahil na rin sa matinding init sa loob ng kanyang piitan, kaya kailangan niya ang air-conditioning unit.
“To prevent a more severe reaction on the skin of the accused which can cause an outbreak and to alleviate the breathing difficulties, it is humbly requested from this Court to allow the accused to bring in a portable air [conditioning unit] to his detention cell,” bahagi ng mosyon ni Ampatuan.
Kabilang si Anwar sa mga itinuturong principal suspect sa tinaguriang Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2009 sa Ampatuan, Maguindanao, na 58 katao ang napatay, kabilang ang 34 na mamamahayag. (Rommel P. Tabbad)