Dahil determinado si President-elect Rodrigo Duterte na solusyunan ang lumalalang kriminalidad, iniutos ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang pag-oorganisa at pagbalangkas sa ilulunsad na emergency hotline numbers para sa Parañaque 911 Command Center sa city hall, para sa mabilisang pagresponde.

Pinulong ni Olivarez ang mga kinauukulang ahensiya, kabilang ang Parañaque City Police at Mayor’s Action Team, para ipatupad ang mga ordinansa na lumalabag sa noise pollution at curfew para sa mga menor de edad, na matagal nang naipasa ng konseho.

Pangungunahan ni Parañaque Police Chief, Senior Supt. Ariel Andrade ang binuong Emergency Action Team, katuwang sina City Fire Department chief, Fire Chief Col. Rene Gapuz; mga miyembro ng Local Disaster Reduction and Management; si Public Information Office head Mar Jimenez; at ang presidente ng mga Liga ng Barangay na si Chris Aguilar.

Sinabi ni Jimenez na mabilis na tutugon ang kanilang grupo sa mga sakuna, tulad ng sunog, baha, trapiko, aksidente, krimen, maging sa hold-up at snatching na talamak sa Baclaran at Sucat Interchange.

National

Balita, isa sa 'most trusted tabloids' sa bansa—survey

Magkakabit ang grupo ng karagdagang mga HD closed circuit television (CCTV) camera sa mga pangunahing lansangan na bahain laban sa pag-apaw ng Parañaque River, talamak na krimen at matinding trapiko, at direkta itong nakakonekta sa command center. (Bella Gamotea)