Sinampahan kahapon ng pinsang babae ng kasong carnapping ang isang 31-anyos na lalaki matapos hiramin ng huli ang motorsiklo ng una nang walang pahintulot nito, ayon sa Pasay City Police.

Kinilala ng pulisya ang nagreklamo na si Ann Maricar Jaramillo, housewife, at residente ng No. 2551 Decena Street, Pasay City, laban sa kanyang pinsang si Ian Jed Roma.

Sinabi ni Jaramillo sa pulisya na noong Mayo 20, hiniram ni Roma ang kanyang Mitsukoshi motorcycle na wala pang rehistro at plaka. Ang motorsiklo ay pag-aari ni Ann at ng kanyang asawa na si Arturo Jaramillo.

Nangako umano si Roma na ibabalik ang motorsiklo sa hapon.

PRO3, nilinaw pagkaaresto sa mga Aeta sa Mt. Pinatubo

Subalit hanggang sa sumunod na araw ay hindi pa rin naibalik ni Roma ang Mitsukoshi, kaya humingi na ng tulong si Ann sa pulisya.

Sa follow-up investigation noong Mayo 31, nadiskubre ng Pasay City Police na isinangla ni Roma ang motorsiklo sa isang “May”, na residente ng Parañaque City.

Hindi na rin mahanap ang kinaroroonan ni May nang puntahan ng pulisya sa bahay nito kaya nagdesisyon ang mag-asawang Jaramillo na maghain ng kasong carnapping laban kay Roma sa Pasay City Hall of Justice. (Martin A. Sadongdong)