Isang linggo bago isagawa ang ikalawang Metro Manila Shake Drill sa Miyerkules, maglulunsad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng isang public awareness campaign para sa event.
Sa Marikina City ngayong Huwebes, magsasagawa ng lecture ang mga opisyal ng MMDA tungkol sa kahandaan sa lindol, kaugnay ng Metro-wide shakedrill, sa VE Fugoso, Memorial School, Boystown Complex sa Parang, Marikina City, dakong 10:00 ng umaga.
Bukod sa lecture, ipakikita rin ng Malimban Brothers, ng Traffic Discipline Office ng MMDA, ang husay nila sa pagsasayaw, matapos silang maging Internet sensation kasunod ng pagba-viral sa social media ng video ng kanilang Shake Dance para sa MMShakeDrill.
Sinabi ni Goddes Hope Oliveros, Public Information officer-in-charge, na hinahamon ng ahensiya ang iba pang organisasyon na lumikha rin ng sarili nilang dance moves bilang suporta sa Nationwide Simultaneous Earthquake Drill.
Umaasa naman si MMDA Chairman Emerson Carlos na mahihigitan ng ikalawang earthquake drill ang bilang ng mga nakibahagi sa shake drill noong nakaraang taon na umabot sa anim na milyon.
“Six million participants are not enough. We need to engage the 14 million residents of Metro Manila. We need to engage the residents of Bulacan, Cavite, Rizal and Laguna,” ani Carlos.
Hinimok din ng MMDA chief ang publiko na bumisita sa website na //www: mmshakedrill.ph na roon makikita ang mga pangunahing survival tips at listahan ng mga evacuation center sakaling yanigin ang Metro Manila ng 7.2 magnitude na lindol. (Anna Liza Villas-Alavaren)