ZAMBOANGA CITY – Natagpuan ng pulisya sa Sulu ang nakabalot sa plastic na ulo ng isang lalaking hitsurang Caucasian at pinaniniwalaang sa Canadian na si Robert Hall sa harap ng isang simbahan sa Jolo, bago mag-9:00 ng gabi nitong Lunes, isang pagkumpirma na pinugutan nga ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang isa pa nitong bihag makaraang mabigong bayaran ang P600-milyon ransom na hiniling ng grupo.

Sinabi ng Sulu Police Provincial Office na dakong 8:45 ng gabi nitong Lunes nang matagpuan ng mga sibilyan sa lugar ang ulo ni Hall sa harap ng gate ng Mt. Carmel Cathedral.

Agad na ini-report ng mga sibilyan sa pulisya ang natagpuan at mabilis namang rumesponde ang mga pulis na nakakita sa ulo ng dayuhan na isinilid sa isang plastic bago isinako, at dinala ito sa Kuta Heneral Teodolfo Bautista (KHTB) sa Jolo.

Ayon sa mga residente sa lugar, nakita nila ang dalawang kabataang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo nang itapon ang isang sako sa lugar.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Dumating na kahapon sa Metro Manila ang ulo ni Hall para sumailalim sa “scientific identification process” ng Philippine National Police (PNP)-Crime Laboratory.

Batay sa pahayag ng ilang source na ayaw magpabanggit ng pangalan, pinugutan si Hall sa Barangay Bud Bunga, malapit sa Bgy. Sinumaan sa Talipao, ng mga tauhan ng Abu Sayyaf leader na si Hatib Hajan Sawadjaan, pasado 6:00 ng gabi nitong Lunes.

Hindi pa rin natatagpuan ang katawan ni Hall at patuloy itong hinahanap ng awtoridad sa Sulu.

Nagpaabot na ng pakikiramay ang Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao command (AFP-WesMinCom) at ang PNP sa pamilya, kaanak at mga kaibigan ni Hall kaugnay ng pagpaslang sa dayuhan sa paraang “clearly un-Islamic” at isa umanong paglabag sa aral ni Mohammad.

Si Hall ang ikalawang Canadian na pinugutan ng Abu Sayyaf matapos mabigong maibigay ang hinihinging ransom ng bandidong grupo. Unang pinugutan noong Abril 25 si John Ridsdel, 68 anyos.

Ilang linggo na ang nakalipas nang sa isang video ay magmakaawa si Hall, ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad at ang Pinay na si Marites Flor kay President-elect Rodrigo Duterte na iligtas sila mula sa panibagong pamumugot sa Hunyo 13.

Setyembre 2015 nang dukutin ng Abu Sayyaf ang apat sa isang resort sa Samal Island sa Davao del Norte.

(NONOY E. LACSON)