Agarang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan ang pagtulong sa mga residenteng apektado ng ashfall na dala ng bulkang Mayon sa iba’t ibang lugar sa Albay, partikular na sa Guinobatan at Camalig.
Batay sa kautusan ng Pangulo, prayoridad ng kaniyang direktiba ang kalusugan ng mga residente, kaligtasan ng mga mamamayan, kaayusan ng mga kalye at kalsada, at ang accessibility ng mga produkto para sa publiko.
“Sa oras ng panganib, hindi dapat madagdagan ang hirap ng ating mga kababayan. Kaya ipinag-utos ko ang agarang pagkilos ng mga ahensya ng pamahalaan upang tumugon sa ashfall mula sa Mayon Volcano eruption,” saad ni PBBM sa kaniyang pahayag noong Linggo, Mayo 3.
Aniya, “Nililinis ang mga kalsada, namamahagi ng N95 masks, at naglalagay ng water stations, mobile clinics, at tulong para sa mga lumikas upang maprotektahan ang ating mga komunidad. Patuloy nating binabantayan ang sitwasyon, kabilang ang panganib ng lahar.”
“Alam nating may epekto ito sa kalusugan at kabuhayan ng ating mga kababayan, kaya’t tuloy-tuloy ang tulong ng pamahalaan hanggang makabalik sa normal ang pang-araw-araw na buhay ng bawat pamilyang apektado,” dagdag pa niya.
Base sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO) noong Linggo, Mayo 3, nagsimula na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang clearing operations para maisaayos ang mga kalsadang natabunan ng abo’t uson.
Layon nitong bigyang-daan ang mabilis na pagresponde ng emergency responders kung kinakailangan.
Patuloy rin daw ang pamamahagi ng Department of Health (DOH) ng N95 masks at pagpapadala ng mobile clinics at water stations upang matiyak ang saklolo hinggil sa isyung pangkalusugan.
Nariyan din daw ang Bureau of Fire Protection (BFP) para sa water spraying at ash clearing operations ng mga kalye at kalsada.
Pinangunguhan naman ng Office of Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pagsasaayos ng evacuation centers para sa mga lumikas at lilikas pang residente.
Samantala, patuloy ding namimigay ng food at essential support ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga apektadong mamamayan ng ashfall.
Pinaalalahanan din ng awtoridad ang mga residente na manatiling alerto, at maglagi na lamang pansamantala sa loob ng kanilang tahanan—habang patuloy na kumikilos ang pamahalaan upang matiyak na agarang mabibigay ang mga tulong sa mga mamamayan ng Albay.