ANG grupong terorista na Islamic State, na umako sa responsibilidad sa pag-atake sa isang gay nightclub nitong Linggo na ikinasawi ng 50 katao, ay matagal ng nasangkot sa matinding karahasan laban sa mga bakla.

Sa pahayag mula sa media outlet ng grupong Al-Bayan nitong Lunes, pinuri nila ang suspek, si Omar Mateen, sa pag-atake sa “nightclub for followers of the people of Lot”— ang terminong ginagamit nito sa mga bakla.

Bagamat walang indikasyon na ang IS ang nagplano ng pamamaril, na pinakamalagim sa modernong kasaysayan ng Amerika, marami nang bakla ang pinaslang sa mga lugar na kontrolado ng grupo sa Syria at Iraq.

Isinapubliko rin ng grupo ang mga video ng umano’y mga bakla na inihahagis mula sa rooftop ng mga gusali o kaya naman ay pinupukol ng bato hanggang sa mamatay.

Simula nang itatag ang sinasabi nitong “caliphate” noong 2014, nagsagawa ang IS ng maraming estilong bitay na pagpatay sa tinatawag nitong “sodomy” at “sexual deviance”.

Tinatawag din ng IS ang mga bakla na “followers of the people of Lot”—tinutukoy ang isang propetang biblikal at Koranic na iniuugnay sa mga lungsod ng Sodom at Gomorrah.

Ayon sa Bibliya at sa Koran, winasak ng Diyos ang dalawang siyudad makaraang magkaroon ng relasyon sa kapwa kasarian ang mamamayan ng mga ito.

Noong 2015, sinabi ng IS sa isang artikulo sa online magazine nitong Dabiq na ginawaran ng parusa ng sinaunang pinuno ng Islam na si Abu Bakr ang isang lalaki na napatunayang “guilty of committing sodomy” at sinunog ito nang buhay.

Nakasaad din na may tradisyon si Abu Bakr na dalhin ang mga taong “committed this filthy deed” sa tuktok ng mga gusali para ihagis sila mula roon.

Iginiit ng Islamic State na ipinatutupad lamang nito ang “rulings of Allah” laban sa mga tao na nagsasagawa ng “any form of sexual deviancy or transgression”. Naggagawad din ang grupo ng kaparehong hatol laban sa mga taong inakusahan ng pangangalunya at pangungulam.

Sinisisi nito ang lipunang kanluranin sa pagsusulong sa pamumuhay ng mga bakla at tomboy na labag sa mga aral ni Allah.

Sa kaparehong artikulo, inilathala ng IS ang mga litrato ng isang lalaki na ayon sa grupo ay “guilty of engaging in sodomy” na nasa tuktok ng isang gusali at inihagis ito mula roon.

Mahigit sampung pagpatay na ang isinagawa ng IS laban sa mga lalaking umano’y bakla, sa Syria at Iraq.

Nakapagtala naman ang LGBT rights group na OutRight Action International ng mahigit 30 ng ganitong gawain simula noong Disyembre 2014, na suportado ng mga video at mga litrato, bagamat hindi maaaring beripikahin ang mga ito.

Ang huli sa serye ng mga larawan ay may petsang Mayo 7. Ipinakikita roon ang isang grupo ng lalaki at mga bata na sumaksi sa pagpatay sa isang binata na inihagis mula sa isang apat na palapag na gusali. Pinagpupukol pa ng bato ang kanyang bangkay.

Ang mga pagbitay na ito ay batay sa penal code ng Islamic State na pinagtibay noong 2014, na ayon sa grupo ay ibinase sa mga prinsipyo ng batas ng Islam.

Inakusahan ng United Nations ang grupong jihadist ng mga krimen laban sa sangkatauhan dahil sa pamumugot, pagpapako sa krus at pang-aalipin nito.

Sa kabila ng modernong panahon, marami pa ring bakla ang patuloy na humaharap sa deskriminasyon sa mundong Islam.

Nanganganib silang paslangin sa mga bansang kinabibilangan ng Saudi Arabia, Iran, at Yemen. (Agencé France Presse)