Labing-isang miyembro ng demolition team ang nasugatan matapos sumiklab ang karahasan sa pagbaklas sa mga barung-barong sa isang squatters’ area sa Luzon Avenue, Quezon City, kahapon ng umaga.

Sinabi ni Quezon City Court Sheriff Bienvenido Reyes, Jr. na isinugod ang tatlo sa mga nasugatan sa East Avenue Medical Center.

Ayon naman sa ulat ng QC Police District-Tactical Operations Center, nakatanggap sila ng ulat mula sa Talipapa Police Station na isang tao ang nasugatan matapos tamaan ng bato sa ulo.

Lumitaw sa imbestigasyon na nagsimula ang pagbabaklas sa mga barung-barong ng 80 pamilya sa Purok 1, Luzon Avenue, Barangay Culiat, Quezon City dakong 9:00 ng umaga.

Eleksyon

VP Sara, nag-eendorso raw para sa impeachment trial—solons

At habang binabaklas ng mahigit 150 miyembro ng demolition team ang mga bahay sa 2,300 metriko-kuwadradong lupain, nagbarikada ang mga residente at bigla umanong nambato ng mga basag na bote, dumi ng tao at pira-pirasong kahoy.

Sa kabila nito, hindi napigilan ng mga residente ang demolition team sa paggiba sa mga bahay.

Noong 2013, ipinag-utos ng korte ang demolisyon sa mahigit 80 bahay dahil ang mga ito ay itinayo sa isang pribadong lupain.

Marso ngayong taon nang dalawang beses na tinangka ng demolition team na ipatupad ang court order subalit nabigo ang mga ito matapos pumalag ang mga residente. (Francis T. Wakefield)