Umaasa ang United Nationalist Alliance (UNA) na ibabasura ng Commission on Elections (Comelec) ang hiling ng Liberal Party (LP) na bigyan ito ng dalawang linggong palugit sa pagsusumite ng statements of contributions and expenses (SOCE) upang maging patas sa lahat.
Ayon kay Mon Ilagan, tagapagsalita ng UNA, naniniwala ang publiko na paninindigan ng Comelec ang naunang posisyon nito na wala nang extension sa pagsusumite ng SOCE.
“Ang gustong makita ng mga tao ngayon ay isang Comelec na tunay na nagpapatupad ng rule of law. Kung magiging malambot ito kay Mar Roxas at Liberal Party, magkakaroon lamang ng pagdududa sa ahensiya na kakutsaba ito sa ginanap na halalan,” pahayag ni Ilagan.
Iginiit ni Roxas na ang pagkabigo ng LP na magsumite ng SOCE sa itinakdang deadline noong Hunyo 8 ay patunay na arogante at hindi iginagalang ng partido ng administrasyong Aquino ang batas.
“We find LP’s request for a 14-day extension to complete their SOCEs a shameful, disgraceful and extreme display of arrogance and total lack of respect for the law. Their disregard for the non-extendable period given by the Comelec only shows the over-bearing bigheadedness and sense of entitlement of Mar Roxas. His arrogance continues to pervade as if he is still in power,” pahayag ni Ilagan.
Nakasaad sa Comelec Resolution No. 9991 na ang pagkabigong magsumite ng SOCE sa itinakdang deadline ay posibleng magresulta sa pagkakatanggal sa puwesto na pinanalunan ng kandidato bukod pa sa malaking multa na babayaran nito.
(Anna Liza Villas-Alavaren)