Patay ang isang lalaki makaraang pagsasaksakin at kuyugin sa isang rambulan sa kasagsagan ng isang party sa isang condominium sa Pasay City nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ni SPO2 Ricardo Mallong ang biktima na si Gregary Millado, residente ng Unit 1701-C, 17th Floor, Central Park 1 Condominium sa D. Jorge Street, Barangay 132, Pasay City.
Idineklarang dead on arrival si Millado sa Pasay City General Hospital dahil sa tinamong saksak sa dibdib at tiyan.
Kinilala ng pulisya ang dalawa sa mga suspek na sina Mario Cunanan, nakatira sa Unit 105 ng naturang condominium; at isang “Joseph.” Pinaghahanap pa rin ng pulisya ang lima pang kasamahan ng dalawang suspek na sangkot din sa rumble.
Lumitaw sa imbestigasyon na bumababa si Millado, kasama ang kaibigan nito na si Ernesto Curbi, maintenance operator ng condo building, sa hagdan nang makasalubong sina Joseph at Cunanan dakong 6:20 ng gabi nitong Linggo.
Sa hindi pa mabatid na dahilan, nagkasagutan sina Joseph at Millado. Matapos ang ilang minuto, pinagbabato na umano nina Joseph at Cunanan ng bote ng beer sina Millado at Curbi subalit agad namang namagitan ang isang security officer ng condo.
Makalipas ang 20 minuto, muling kinumpronta nina Joseph at Cunanan, kasama ang limang resbak, sina Millado at Curbi na natuloy sa rambulan.
Hindi nagtagal ay nakadampot si Joseph ng basag na bote ng beer at ginamit iyon para saksakin si Millado.
Mabilis na tumakas sina Joseph at Cunanan sa lugar sa pamamagitan ng pagtawid sa Tripa de Galima River, ayon sa pulisya. (Martin A. Sadongdong)