SA pagbubukas ng klase kahapon, muli na namang napasabak ang mga taga-Metro Manila sa traffic.

Ang payo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), magbaon ng maraming pasensiya at kung maaari’y umiwas sa lugar na may malalaking paaralan na roon nagkukumpulan ang maraming tao sa paghahatid at pagsundo sa mga estudyante.

Payapa at naging maayos ang opening ng classes, ayon sa Philippine National Police (PNP). Sana’y ganoon din kaayos ang trapiko.

Ito’y sa kabila ng pagtatalaga ng MMDA ng karagdagang traffic enforcer sa mga kritikal na lugar. Hindi rin ito umubra.

Usec. Castro, ‘di ikakahiya kung magkamag-anak sila ni France Castro: ‘Siya ay makatao!’

Mahirap ding sisihin ang mga magulang na ibinabalandra ang kanilang sasakyan sa tapat ng paaralan habang ibinababa o isinasakay ang kanilang anak dahil karamihan sa kabataan ay kailangan pa ring alalayan sa unang araw ng pasukan.

Lalo na ang mga paslit na kailangan pang akayin sa pagpasok sa silid-aralan. Nand’yan din ang mga umiiyak pa, at kailangang kaladkarin palabas ng kotse bago pumasok sa eskuwelahan.

Hay naku!

Ipinatutupad nga ng MMDA ang “15-second rule” sa mga nagbababa at nagsasakay ng estudyante. Subalit may sumusunod ba?

Pagmasdan n’yo ang entrance gate ng De La Salle Greenhills o Ateneo de Manila Universtiy, dahil sa limitado ng espasyo ng lugar para sa mga sasakyan, ito ang nagiging sanhi ng pagsisikip o pagbubuhol ng trapiko.

Sa dami ng pasaway na driver, nahihirapan ang mga MMDA traffic constable na sitahin upang maipatupad lang ang “15-second rule.”

Kaliwa’t kanan ang pakiusapan upang maitaboy lamang ang kanilang nakabalandrang sasakyan sa entrance gate subalit patigasan naman ng mukha ang inaasta ng mga motorista.

“One minute lang po!” ang karaniwang pakiusap ng mga motorista.

Dahil sa dami ng nakikiusap, wala tuloy mahuli ang MMDA.

Pakamot-kamot lang ng ulo habang pinagsasarhan ng bintana ng kotse.

Kapag minalas pa’y sisindakin ang MMDA ng business card ng taga-Malacañang, Senado o Kamara.

Kundi man business card, palakihan ng official seal ng Office of the President, House of Representatives, o House of Senate.

Nand’yan din ang mahilig magpakita ng media ID ngunit kung iimbestigahan n’yo ay “hao-shiao” pala.

Ganitong uri ng mga motorista ang puno’t dulo ng pagbibigat ng traffic.

Sana naman, umubra ang campaign slogan ng bagong administrasyon na “Change is Coming.” Hulihin ang dapat hulihin!

At ‘yung may sari-saring ID na isinasabit sa rear view mirror o malalaking sticker ng mga ahensiya sa pamahalaan, dapat ipakain o ikaskas ang mukha ng matitigas na ulo ng motorista. (ARIS R. ILAGAN)