Sampung tanyag na Pinoy designer ang namamayagpag ngayon sa isang special exhibition sa Good Design Maronouchi sa Tokyo, Japan.

Nagsimula nitong Hunyo 12, Araw ng Kalayaan, at magtatapos sa Hunyo 30, tampok sa naturang special exhibit ang mga gawang-kamay na obra ng mga Pinoy na dalubhasa sa home and fashion design. 

May titulong “Exclusively by Hand,” sentro ng espesyal na tanghalan ang mga traditional handicraft na kinumpuni nina Adante Leyesa, Happy Andrada, John Herrera, Maco Custodio, at Ito Kish.

Tampok din sa Tokyo exhibit ang nilikha ng CSM, Calli, Joanique, Zacarias 1925 at Aranaz.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Nakilahok ang mga Pinoy designer sa Tokyo exhibit matapos kilalanin ng Japan hindi lamang bilang isa sa mga pangunahing merkado ng Pilipinas ngunit dahil ito ang ikalawang pinakamalaking luxury market sa buong mundo noong 2015.

Puntirya ng exhibit ang pagpapalawak ng kaalaman ng posisyon ng Pilipinas sa Japan bilang nangungunang pinagkukunan ng dekalidad at may magandang disensyo ng lifestyle products.

Nais din ng mga Pinoy designer na palawakin ang merkado nito sa Japan dahil sa patuloy na pagtangkilik ng mga mamamayan nito sa mga produktong gawa sa Pilipinas.

“An exhibition highlighting artisanal creation and sustainable materials could not have come at a better time,” pahayag ni Kis. “In the midst of mass consumption, mechanized production and dwindling resources, it is heartening to know that many young Filipino designers still excel at creating with their hands but with an eye on sustainability and ecological responsibility.”

Ang exhibition ay suportado ng Embahada ng Pilipinas sa Japan, sa tulong ng Philippine Trade and Investment Centre (PTIC) Tokyo, Japan Institute of Design Promotion (JDP), Japan Retail Association (JRA), ASEAN Japan Centre (AJC), Department of Trade and Industry (DTI), Industry Export Market Bureau (DTI-EMB), at Philippine Airlines.

Matatagpuan ang exhibit hall sa gitna ng business commercial district malapit sa Idemitsu Museum of Arts, Tokyo International Forum, at Marunouchi Building.