Nagkaroon ng ayuda ang Team Philippines na madagdagan ang slot sa golf nang bigyan ng “reserved seat” si Junior World Golf champion Dottie Ardina.
Ayon kay Philippine Team Chef de Mission Joey Romasanta, binigyan ng International Olympic Committee (IOC) Sports Entries Department ng notipikasyon bilang reserve candidate si Ardina para sa women’s play ng golf event sa Rio Games.
Nakatakda ang torneo sa Agosto 5-21.
“The IOC Sports Entries Department requested us to prepare the document for accreditation of Dottie (Ardina),” pahayag ni Romasanta.
Sa kasalukuyan, pasok na si Philippine Open champion Miguel Tabuena sa men’s play ng golf competition matapos makuha ang ika-37 puwesto sa Olympic world ranking. Patuloy pa ang pagsabak ni Angelo Que sa international meet para makalikom ng karagdagang puntos sa kanyang kampanya na makasamasa Rio Games. Ang deadline para sa ranking points ay sa katapusan ng Hulyo.
Si Ardina, naglalaro sa Symetra Tour sa nakalipas na tatlong taon, ay wala sa top 60 players na papasok sa Rio Games, ngunit kabilang siya sa “reserved” sakaling may mga umatras na player.
Ang dating five-time US Kids World champion ang unang alternate player para sa No. 56 hanggang 60 player.
(Angie Oredo)