Sa gitna ng construction boom, umaaray na ang mga local cement producer sa tumataas na bilang ng mga naipupuslit na produktong semento sa bansa sa nakalipas na mga buwan.

Ayon kay Cement Manufacturers’ Association of the Philippines (CEMAP) President Ernesto Ordoñez, siyam sa 12 undervalued shipment ang ilegal na nakapasok sa mga daungan sa bansa.

Aniya, 75 porsiyento ng 161,000 metriko toneladang semento na naipuslit sa bansa sa unang tatlong buwan ng 2016 ay undervalued.

“If freight undervaluation goes unidentified and unpunished, this may lead not only to more such cases, but also to more serious violations such as cement misclassification and substandard cement,” aniya.

Internasyonal

Prime Minister Mark Carney, nakiramay sa pamilya ng mga nasawi sa aksidente sa Vancouver

Tinukoy ng CEMAP ang mga daungan na talamak ang undervaluation ng cement shipment, at kabilang dito ang Davao; San Fernando, La Union; Puerto Princesa City, Palawan; at Negros Occidental.

Sinabi ng negosyante na ang mga cement import ay magkakahiwalay na dumating sa bansa mula sa Vietnam at China.

Bagamat aminado si Ordoñez, chairman ng Anti-Smuggling Committee ng National Competitive Council, na ang technical smuggling ng semento ay hindi kasing-dalas tulad ng mga nakaraang taon, patuloy naman ang paglobo ng mga insidente nito.

Bilang pruweba, inihayag ni Ordoñez ang mga ulat ng cement manufacturers, na lumitaw na nasa US$3 at US$10 kada metriko tonelada ang idineklarang semento sa halip na US$19 kada metriko toneladang average freight cost ng naturang produkto mula sa dalawang bansa.

Umaabot sa P8 milyon ang nawalang kita ng gobyerno mula sa undervaluation ng iniangkat na cement products.

(Raymund F. Antonio)