Tiniyak ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III na mananatiling independent ang Senado sakaling siya ay mauupo na bilang susunod na pangulo ng Senado.

Si Pimentel ang nag-iisang miyembro ng PDP-Laban, ang partidong nagdala kay incoming President Rodrigo Duterte nitong nakaraang May 9 elections, sa Senado.

Nagkasundo ang kampo ni outgoing Senate President Franklin Drilon ng Liberal Party (LP) at Sen. Vicente Sotto III, ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP), na si Pimentel na ang susunod na pangulo ng Mataas na Kapulungan.

Unang pinuntirya si Senator Alan Peter Cayetano, running mate ni Duterte sa May 9 elections, na maupo bilang senate president subalit bigo itong makakalap ng sapat na puwersa upang masungkit ang posisyon.

PRO3, nilinaw pagkaaresto sa mga Aeta sa Mt. Pinatubo

Si Drilon ang magiging senate pro tempore, habang tatayo naman bilang majority leader si Sotto.

Si Cayetano ay suportado ng mga bagong halal na senador na sina Manny Pacquiao at Juan “Migz” Miguel Zubiri.

Sa magkakahiwalay na pahayag, kinumpirma nina Sotto, Drilon, at Pimentel ang kasunduan para maupo si Pimentel bilang senate president matapos makakalap ng suporta mula sa 17 senador.

Sinabi naman ni Pimentel na pormal niyang sasabihin kay Duterte ang napagkasunduan ng kanyang mga kabaro at aanyayahan niya rin si Cayetano na sumapi sa kanyang “super majority coalition.” (Leonel Abasola)