Overdose sa ilegal na droga at alak ang sanhi ng pagkamatay ng dalawa sa limang nasawi sa rave party sa isang malaking mall sa Pasay City noong Mayo 21.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory Director Chief Supt. Emmanuel Arañas batay sa resulta ng histo-pathological examination na isinagawa sa labi nina Erik Anthony Miller, 33, at Ken Migawa,18.
Paliwanag ni Arañas, nakitaan ng fribrosis o peklat sa puso sina Miller at Migawa na senyales na sila ay matagal nang gumagamit ng ilegal na droga.
Ayon sa pulisya, nakadagdag din ang hyper-active/erratic contractions o sobrang bilis ng tibok ng kanilang puso bunsod ng paggamit ng droga at pag-inom ng alak na naging mitsa ng kanilang buhay.
Base sa resulta ng pagsusuri, nakitaan ang dalawa ng mga drug substance paramitoxi-amphetamine, lithelin-ioxic cenon at mithelin-dioxic amphetamine, at nakadagdag pa ang alak sa mabilis na tibok ng kanilang puso kaya nahirapan ang pagsuplay ng dugo sa utak.
Namaga ang utak nina Miller at Migawa habang manas ang kanilang dalawang baga, nasira ang kidney maliban sa pinsalang tinamo sa puso, base sa medical examination.
Si Migawa ay may .182 mg blood alcohol concentrate, habang .138 mg naman ang kay Miller.
Nakatakdang isumite ni Arañas ang resulta ng pagsusuri sa Special Investigation Task Group (SITG), na naatasang tumutok sa imbestigasyon sa pagkamatay ng limang dumalo sa nasabing concert. (Bella Gamotea)