MACTAN, Cebu – Tinatayang makukumpleto sa Hunyo 2018 ang konstruksiyon ng bagong passenger terminal building, o Terminal 2, sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA), ayon sa pamunuan ng pliparan.
Sa isang pahayag, sinabi ng GMR-Megawide Cebu Airport Corp. (GMCAC) na inaasahang matatapos ang Terminal 2 sa Hunyo 2018, dahil itinakda sa huling bahagi ng taong ito ang pagkumpleto sa pagkokongkreto ng civil structure ng bagong terminal building, ayon kay GMCAC Chief Executive Adviser Andrew Harrison.
Pinaglaanan ng P32 bilyon ang phase 1, ang Terminal 2 ay nasa 45,000 square meters at maaari pang palawakin sa phase 2. Bubuksan ito sa lahat ng international flights at may walong aerobridge-equipped aircraft parking stands na iuugnay ng link-bridge sa Terminal 1.
Ang Terminal 2 ay may 48 check-in counter na maaaring dagdagan sa 72, may car park para sa 550 sasakyan o hanggang 750 kung kinakailangan.
Sa ngayon, mahigit 3,000 trabaho ang nalikha sa konstruksiyon ng Terminal 2, at may 550 trabaho naman ang iaalok ng mga concessionaire kapag natapos na ang Terminal 2. - Mars W. Mosqueda, Jr.