PATULOY ang pamamayagpag ng ABS-CBN sa ratings sa telebisyon ngayong Mayo, sa naitalang 44% na audience share kumpara sa 32% ng Kapuso Network ayon sa survey data ng Kantar Media. Halos 20 milyon page views din ang nakuha ng mga programa nito sa video streaming website ng ABS-CBN na iWant TV.

Siyam sa Top 10 na programa ay nakuha ng ABS-CBN na nangunguna rin sa paghahatid ng mga programa nito sa mga Pilipino sa pamamagitan ng kanilang mga smart phones, gadgets o laptop.

Ang primetime block ay nananatiling baluwarte ng mga Kapamilya dahil naitala ng ABS-CBN ang average audience share na 49% kumpara sa 31% ng GMA.

Hari pa rin ang FPJ’s Ang Probinsyano (41.1%) sa buong bansa mula nang umere ito, at nanguna sa siyam na palabas ng ABS-CBN na pasok sa Top 10 ng mga programa para sa buong buwan. Sinusundan ito ng nagbabalik na The Voice Kids (36.1%) at ng Dolce Amore na (32.9%). Ang 3-punch combo ng Kapamilya network ay sinamahan sa Top 10 na programa para sa Mayo ng Pilipinas Got Talent (32.8%), Maalaala Mo Kaya (30.1%), TV Patrol (29.5%), Wansapanataym (28.9%), Home Sweetie Home (23.7%), at Rated K (21.2%).

Elijah Canlas, emosyonal na inalala yumaong kapatid sa concert ni Olivia Rodrigo

Samantala, numero uno pa rin sa daytime ang Be My Lady (17.4%), talo pa rin ng It’s Showtime (18.5%) ang Eat Bulaga (12.3%) na laglag pa rin sa Top 20 programs ng buwan. Nagningning din ang Kapamilya Gold sa afternoon block na nakakuha ng 46% nationwide rating laban sa 33% ng GMA, sa likod ng magandang ratings ng Doble Kara (18.0%) at Tubig at Langis (15.9%). Bukod pa riyan, nakakuha rin ng mga all-time high sa ratings sa buwan ng Mayo ang dalawang palabas sa hapon, 18.1% para sa Tubig At Langis at 19.8% naman ang pinakamataas na rating na naitala ng Doble Kara.

Panalo rin ang ABS-CBN sa ibang teritoryo tulad sa Balance Luzon (mga lugar sa Luzon sa labas ng Mega Manila) kung saan pumalo ito sa national average audience share na 47% kontra 33% ng GMA; sa Visayas sa audience share na 54% kontra 24% ng kalaban; at sa Mindanao na may 54% kontra 27%.

Sa iWant TV naman, humakot ang ABS-CBN ng 19.91 million views sa buwan ng Mayo, na nagpapaktiang patuloy na nanonood ang mga Pilipino sa pamamagitan ng Internet gamit ang kanilang mga gadget, laptop, smart phone habang umeere ang mga programa sa telebisyon. Ang mga paborito sa primetime na Dolce Amore (4.5 million page views), FPJ’s Ang Probinsyano (2.25 million page views), at Tubig at Langis (1.45 million views) ang ilan sa mga pinakapinapanood na programa sa nasabing website. Ang livestreaming channel ng ABS-CBN sa iWant TV ay nakapagtala rin ng 3.18 million page views.

Ang malakas na presensya ng ABS-CBN online ay alinsunod sa layunin nitong maging isang digital company na nakakapaghatid ng content at serbisyo sa pamamagitan ng iba’t ibang digital platforms tulad ng digital television nitong ABS-CBN TVplus at sarili nitong mobile brand na ABS-CBNmobile.