Kinasuhan sa Sandiganbayan si dating Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Efraim Genuino kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit sa mahigit P46 milyon pondo para sa pagsasanay ng mga swimmer na lalahok sa 2012 Olympics.

Nagsampa ang Office of the Ombudsman ng tatlong bilang ng paglabag ng Section 3 ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) laban kay Genuino.

Bukod kay Genuino, kinasuhan din ng dalawang bilang ng graft ang mga dating opisyal ng PAGCOR na sina dating president-chief operations officer Rafael Francisco, dating executive vice president at Internal Audit Department head Rene Figeroa, dating SVP for Corporate Communications and Services Edward King, vice president for accounting Ester Hernandez, at AVP for Internal Audit Valente Custodio.

Akusado rin sa kaso sina dating Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez at Philippine Amateur Swimming Association (PASA), Inc. President Mark Joseph.

61-anyos na OFW, natagpuang patay sa bahay ng employer

Inirekomenda ng Ombudsman na magpiyansa ng P30,000 sa bawat bilang ng graft ang bawat isa sa mga akusado.

Ang kaso ay nag-ugat sa mahigit P124 milyon na inilaan ng PAGCOR para sa pagsasanay ng mga swimmer, sa ilalim ng PASA, simula noong 2007 bilang paghahanda sa 2012 Olympics sa London.

Sa nasabing halaga, natuklasan ng Ombudsman na mahigit P37 milyon ang ginamit upang bayaran ang training facility sa Trace Aquatic Center (TAC)—na napag-alamang pag-aari ni Genuino at ng kanyang pamilya.

Natuklasan din na ang pondo para sa PASA ay dapat na ibinigay sa Philippine Sports Commission (PSC), sa halip na sa National Sports Development Fund (NSDF). (Jeffrey Damicog)