Hinihinalang pinatay sa saksak ang isang bading ng kanyang umano’y live-in partner bago siya nito isinilid sa maleta at itinapon matapos silang magtalo tungkol sa pera, sa Pasay City, kahapon.

Ang nasawing biktima ay nakilalang si Robert William Del Rosario, na kilala rin bilang “John Leo Tababa”, 23, na nagtamo ng mga saksak sa mukha at leeg.

Sa follow-up operation na pinamunuan ni Chief Insp. Rolando Baula, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police, nadakip si Jayson Santos Lee, nasa hustong gulang, nanunuluyan sa Tower D Shell Residences, EDSA Extension, Bgy. 76 ng lungsod matapos bumalik sa pinangyarihan ng krimen.

Sa inisyal na ulat kay Pasay City Police chief Senior Supt. Joel Doria, dakong 4:00 ng umaga nang nadiskubre ni Noel Manlolo, condominium officer-in-charge (OIC), na bukas ang pintuan at nagkalat ang bakas ng dugo sa loob ng unit ni Lee na nasa ika-11 palapag ng gusali.

Eleksyon

Ben Tulfo, itinangging may ‘political dynasty’ kapag 3 Tulfo naluklok sa Senado

Agad itong ipinaalam ni Manlolo sa pamunuan ng condominium at sa awtoridad.

Sa pagsusuri sa CCTV camera footages ng gusali, dakong 9:28 ng gabi nitong Biyernes nang pumasok sa naturang unit si Lee kasama ang umano’y kinakasamang bading na si Del Rosario at lumabas din ang dalawa bandang 10:58 ng gabi, at bumalik dakong 11:40 ng gabi.

Dakong 12:54 ng umaga nang makuhanan ng CCTV si Lee habang mag-isa at hirap na hirap na binubuhat ang kanyang luggage bags.

Bandang 9:30 ng umaga kahapon nang natagpuan ang duguang bangkay ng tao na nakasilid sa isang maleta, sa may coastal area ng Cavitex sa Bacoor City, hanggang na ito ay si Del Rosario. (Bella Gamotea)