Isinugod si Sen. Miriam Defensor-Santiago, kasalukuyang nakikibaka sa cancer, sa Makati Medical Center (MMC) nitong Lunes.
Sa isang kalatas, sinabi ng kampo ni Santiago na dinala si Santiago, sakay ng ambulansiya, sa isang private room ng MMC nitong Lunes bago siya inilipat sa intensive care unit. (ICU) sa sumunod na araw dahil sa kritikal na kondisyon.
Kinumpirma ng asawa ng senadora na si Narciso “Jun” Santiago ang pagkaka-confine ni Miriam sa MMC subalit hindi aniya sila tumatanggap pansamantala ng mga bisita at regalo, lalo na ang bulaklak.
Bagamat nasa ICU, sinabi ni Jun Santiago na nakukuha pang magbiro ng senadora.
Sa pamamagitan ng kanyang staff, nagpasalamat ang mga Santiago sa pamilya, mga kaibigan at taga-suporta na patuloy na nagdarasal upang bumuti ang kalagayan ng beteranong mambabatas.
Tumakbo si Santiago sa pagkapangulo nitong May 9 elections subalit natalo. Magtatapos ang kanyang termino sa Hunyo 30.
Una nang na-diagnose ang 70-anyos na senadora na may Stage 4 lung cancer noong Hunyo 2014 dahil nakararanas ng chronic fatigue syndrome.
Sa liham na ipinadala kay Senate President Franklin Drilon, hiniling ni Sen. Miriam sa liderato ng Senado na palawigin pa ang kanyang medical leave nang makaranas ng anorexia dahil sa pag-inom ng anti-cancer pill.
(Hannah L. Torregoza)