Pinayagan ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) na makapagpiyansa si Marine Lieutenant Colonel Ferdinand Marcelino, ang dating intelligence officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kabilang sa naaresto sa isinagawang drug raid sa Maynila noong Enero 21.
Sa 29-pahinang ruling na inilabas ni QCRTC Judge Lyn Ebora Cacha, tinukoy nito na walang sapat na ebidensiya upang tanggihan ang mosyon ni Marcelino na makapagpiyansa.
“The court finds no strong evidence against Lt. Col. Marcelino for several reasons: The petitioner Marcelino was found in the ground floor and there was no illegal drugs confiscated in his possession or in his immediate vicinity,” nakasaad sa resolusyon ng korte.
Binigyang-diin ng hukuman na walang ebidensiya na may kinalaman o kontrolado ni Marcelino ang P380 millyong halaga ng droga na natagpuan sa isang bahay sa Sampaloc, Maynila nang sumalakay ang mga awtoridad, at nadatnan siyang nagpapahinga sa isang sofa.
“There was no overt act on his (Marcelino’s) part that would show knowledge or control over any substance in the house,” paliwanag ng korte.
Nilinaw din ng hukuman na nabigo ang mga awtoridad na magpakita ng katibayan na konektado si Marcelino sa kaso na pinag-ugatan ng search warrant. Hindi rin nakuha sa pag-iingat nito ang susi ng bahay at kotse kundi sa kasamahan niyang si Yan Yi Shuo.
“His mere presence at the house does not by itself makes petitioner Marcelino liable as such is merely circumstantial which is yet to be connected to the crime,” paglilinaw ng korte. (ROMMEL P. TABBAD)