NAIC, Cavite – Dahil sa matinding selos, isang babae ang minartilyo bago pinugutan ng kanyang nobyo sa loob ng tinuluyan nilang cottage sa Aroma Beach Resort sa Barangay Munting Mapino sa bayang ito, nitong Martes ng gabi.

Natagpuan ng mga empleyado ng resort na walang damit pang-itaas at wala ring ulo si Grace Castillo Ilagan, 43, kamakalawa ng gabi.

Agad namang naaresto ng pulisya si Edgardo Arbas Poblete, 55, construction worker, ng Silangan, Naic, habang naghihintay ng masasakyan sa gilid ng highway bandang 5:00 ng umaga kahapon.

Dinakip si Poblete makaraang matagpuan ang ulo ni Ilagan na lumulutang sa ilog malapit sa resort, kasama ang shoulder bag nito. Laman ng bag ang mga personal na gamit at ang martilyo na pinaniniwalaang ginamit ng suspek sa krimen.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Narekober naman sa pinangyarihan ang isang balisong na sinasabing ginamit ng suspek sa pamumugot sa biktima.

Ayon kay Chief Insp. Gil Tisado Torralba, hepe ng Naic Police, nag-check in sina Poblete at Ilagan sa resort dakong 6:45 ng gabi at bandang 9:00 ng gabi ay umalis na ang suspek sa inokupang cottage.

Sinabi ng room boy na nakita niya nang may inihagis si Poblete sa ilog malapit sa cottage bago ito tuluyang lumabas sa lugar, kaya naman mabilis nilang pinuntahan ang silid na pinanggalingan nito, pero nakakandado iyon.

Sa pagtutulung-tulong ng mga kawani ng resort, nabuksan ang pinto at tumambad ang pugot na bangkay ni Ilagan.

Habang iniimbestigahan, sinabi ni Torralba na inamin ni Poblete ang krimen, sinabing nagawa niya iyon dahil sa matinding selos.

“Sinabi ng suspect na nagselos daw siya dahil nakita niyang minsan sinundo ng lalaki ‘yung victim,” ani Torralba.

Sinabi ni Torralba na sina Poblete at Ilagan ay kapwa may asawa na. (ANTHONY GIRON)