Nagsiksikan sa tanggapan ng Pasay City Police ang 80 menor-de-edad na nahuli matapos lumabag sa curfew, sa ikinasang “Oplan Rody” (Rid the Streets of Drinkers and Youth) sa lungsod, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Pasay City Police chief, Senior Supt. Joel Doria, may umiiral na curfew ordinance ang lungsod na ang parusa sa unang paglabag ay ire-record muna ng awtoridad, pagsasailalim sa community service sa ikalawang paglabag, at pagmumultahin ng P500 sa ikatlong pagdakip.
Sa pag-iikot ng mga pulis simula 10:00 ng gabi, ang simula ng pag-iral ng curfew sa mga menor de edad, naaresto nila ang 80 kabataan sa iba’t ibang lugar sa lungsod at idiniretso sa himpilan ng pulisya.
Ilang tauhan ng Pasay Social Welfare and Development ang nagbigay ng counseling sa nahuling kabataan at bago sila pinalaya ay kinailangang magprisinta ng birth certificate ang kani-kanilang magulang.
Tiniyak ni Doria na mahigpit na ipatutupad ng Pasay Police ang Oplan Rody para na rin sa kaligtasan ng mga menor-de-edad at maiiwas ang mga ito sa mga krimen sa lansangan. (Bella Gamotea)