Inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station 10 nitong Martes ng gabi ang isang 42-anyos na karpintero na umano’y gumahasa sa 11-anyos niyang text mate.

Ang panghahalay ay nangyari umano sa bahay ng suspek sa Cavite nitong weekend.

Kinilala ni Supt. Pedro T. Sanchez, hepe ng QCPD-Station 10 Kamuning, ang naaresto na si Arnel Semana, 42, may asawa, ng Area A, Barangay Salud, GMA, Cavite.

Ang biktima ay residente ng Taytay, Rizal.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Sinabi ni Sanchez na batay sa kanilang imbestigasyon, inaresto si Semana sa follow-up operation malapit sa East Avenue Medical Center, dakong 9:00 ng gabi nitong Martes.

Aniya, magka-text mate ang biktima at suspek at personal silang nagkita sa Pasig City nitong Sabado.

Ayon kay Sanchez, inakala ng dalagita na kaedad niya ang text mate na makaka-eyeball niya kaya ganun na lang ang kanyang gulat nang makita niya si Semana.

Tinangka umano ng dalagita na umuwi na ngunit pinigilan siya ng suspek at dinala sa bahay nito sa GMA, Cavite at doon ginahasa.

Nang magtungo ang suspek sa East Avenue Medical City upang bisitahin ang kanyang misis, nagawang ma-contact ng dalagita ang kanyang mga magulang at nakipagkita siya sa nga ito sa Pasig.

Makalipas ang dalawang araw, natunton ng pamilya ng dalagita ang suspek hanggang sa maaresto si Semana malapit sa East Avenue Medical Center, ayon kay Sanchez. (Francis T. Wakefield)