BAGUIO CITY – Isang taxi driver ang pinaniniwalaang matinding binagabag ng kanyang konsensiya hanggang sa nagpatiwakal sa loob ng isang hotel matapos niya umanong gahasain ng apat na beses ang isang estudyanteng babae na Japanese na kanyang pasahero sa siyudad na ito.

Kinilala ni Senior Supt. George Daskeo, director ng Baguio City Police Office (BCPO), ang nagpakamatay na si Ferdinand Pasuli, Jr., 26, taxi driver, ng La Trinidad, Benguet, samantalng ang biktima ay isang 21-anyos na Japanese at estudyante sa lungsod.

Sa salaysay ng biktima sa BCPO-Precinct 10, kasama niya ang kaibigang si Yusuke Tanabe nang sumakay sa taxi na minamaneho ni Pasuli at nagpahatid sila sa magkahiwalay nilang uuwian, dakong 6:00 ng umaga nitong Mayo 29.

Unang inihatid si Tanabe sa bahay nito sa Gibraltar Road, samantalang kung saan-saan na dinala ni Pasuli ang biktima hanggang sa idiretso ito sa isang hotel sa Marcos Highway.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Ayon sa dayuhan, hindi siya nakapalag nang sapilitan siyang ipasok ng suspek sa loob ng kuwarto at apat na beses umano siyang ginahasa nito.

Dakong 11:30 ng umaga nang palabasin na ni Pasuli ang biktima sa silid, at agad namang humingi ng tulong sa mga kaibigan ang dayuhan para magtungo sa himpilan ng pulisya.

Ayon kay Daskeo, dakong 3:50 ng hapon nang araw ding iyon ay nakatanggap sila ng tawag mula sa hotel tungkol sa isang lalaki na sinasabing natagpuang patay sa loob ng comfort room sa isa sa mga kuwarto ng establisimyento.

Nakita ng mga nagrespondeng pulis ang taxi na nakaparada sa garahe at natagpuan nila si Pasuli sa banyo ng silid ng hotel habang nakabigti, gamit ang dalawang sintas ng sapatos, at wala nang buhay. (RIZALDY COMANDA)