Umani ng kinakailangang puntos si Angelo Que para sa kampanyang makasikwat ng slot sa Rio Olympics matapos pumuwesto sa ika-18 sa 82nd Mizuno Open kamakailan sa Hashimoto Country Club sa Wakayama, Japan.

Pumalo si Que ng five-under-par 66 matapos ang unang tatlong round na 76-69-75 para sa two over par 286 total na may nakalaang P410,371.63 (Y966,000) cash prize.

Napag-iwanan si Que ng walong strokes kontra kay Champion Byung-Min Cho ng South Korea na nagbulsa ng Y14-million. Ito ay may final round 78 at 278 aggregate para sa isang puntos na abante kina Japanese Tomohiro Kondo (71-279) at Scott Strange Australia (76-279).

Nahanay naman sa anim na magkakasalo sa 36th spot si Juvic Pagunsan na itinala ang mga iskor na 74-73-72-71 (290) upang magkasya sa P151,659.08 sa apat na araw na nagsisilbing 6th leg ng 47th Japan Golf Tour 2016.

Hidilyn Diaz, Sonny Angara, nagpulong; weightlifting raratsada na sa Palarong Pambansa?

Sunod na kakasahan nina Que at Pagunsan ang 17th JGT Championship Mori Building Cup Shishido Hills 2016 sa Shishido Hills Country Club sa Ibaraki sa Hunyo 2-5.

Patuloy na binabantayan ni Que ang world ranking points na kasalukuyan siyang nasa ika-52 ng IGF Olympic ranking. Batay sa regulasyon para sa golf competition sa Rio Games, ang top 60 players ang makalalaro sa Olympics. - Angie Oredo