Pansamantalang tumutuloy sa isang covered court sa Quezon City ang may 70 pamilya makaraang masunugan sa Novaliches, nitong Sabado ng madaling-araw.
Base sa ulat ni Quezon City Fire Marsha Senior Supt. Jesus P. Fernandez, dakong 3:30 ng umaga nang nagsimulang kumalat ang apoy mula sa bahay ni Allan Hilera sa panulukan ng Pajo Street at Quirino Avenue sa Novaliches, Quezon City.
Lumitaw sa imbestigasyon na naiwang nakasindi ang isang kandila sa bahay ni Hilera at hinihinalang natumba ito hanggang sa mabilis na nilamon ng apoy ang 35 bahay sa lugar.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog, na tuluyang naapula dakong 4:30 ng umaga.
Walang iniulat na nasaktan o nasawi sa sunog, na tumupok sa nasa P150,000 halaga ng ari-arian.
Agad namang ipinag-utos ni Mayor Herbert Bautista ang pagkakaloob ng ayuda sa mga nasunugan. (Jun Fabon)