ILIGAN CITY – Isang Katolikong pari ang nahalal na bagong mayor ng Iligan City, batay sa isang artikulo na ipinaskil sa news website ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Ang baguhang pulitiko na si Fr. Jeemar Vera Cruz mula sa diocese of Iligan ang iprinoklamang nagwagi bilang bagong mayor ng Iligan City nitong Martes. Magsisilbi siya ng tatlong taon sa puwesto.

Tinalo ng dating vicar general ng diocese si acting vice mayor Providencio Abragan sa nakuhang mahigit 12,000 boto.

Nagtagumpay si Vera Cruz na mapanalunan ang posisyon sa halalan noong Lunes, hindi katulad ng dalawa pa niyang kasamahan na sina Fr. Walter Cerbito at retired priest Jack Sapa, na kapwa tumakbo sa mga lokal na posisyon sa lalawigan ng Northern Samar.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Si Cerbito, dati ring vicar ng Catarman diocese, ay pumangalawa lamang kay re-electionist Governor Jose Ong Jr. Kahit na hindi pa pumapasok ang lahat ng mga boto ay malabo nang makahabol si Cerbito sa 176,991 botong nakuha ni Ong nitong Miyerkules kumpara sa 69,000 na boto pabor sa kanya.

Nabigo rin si Sapa, mula sa parehong diocese, na manalong councilor sa provincial capital ng Catarman.

Ang mga nabanggit na pari ay sinuspinde sa kanilang tungkulin simula nang inihayag nila ang kanilang intensiyong tumakbo sa posisyon sa gobyerno.

Ipinagbabawal sa batas ng simbahan na tumakbong mga opisyal o tumanggap ng anumang posisyon sa gobyerno ang mga pari. (PNA)