LOS ANGELES (AP) -- Apat na Russian athlete na nagwagi ng gintong medalya sa Sochi Olympics ang gumamit umano ng ‘performance-enhancing drugs’, ayon sa isiniwalat na impormasyon sa programang ‘60 Minutes’ na ipalalabas sa Linggo (Lunes sa Manila).
Sa panayam, na isinahimpapawid din ng CBS Evening News nitong Biyernes, kay Vitaly Stepanov, dating nagtatrabaho sa Russia’s drug-testing lab, may listahan sila na tinatawag na “Sochi List” ng mga atleta na positibo sa paggamit ng illegal na droga.
Kasama ang kanyang maybahay na si Yulia, isang 800-meter runner, isiniwalat ni Stepanov ang talamak na paggamit ng droga sa Russian track team na dahilan para magsagawa ng malawakang imbestigasyon ang World Anti Doping Agency sa Russian Athletics Association.
Bunsod nito, nalagay sa balag ng alanganin ang partisipasyon ng Russia sa 2016 Rio Olympics.
Ayon kay lead investigator Dick Pound, nakatuon ang kanilang imbestigasyon sa track athletes, ngunit sinabi ng WADA na palalawakin pa nila ang sakop ng imbestigasyon sakaling makakuha ng karagdagang ebidensiya hinggil sa isyu ng droga.