Nabuhay ang dating maigting na rivalry ng dalawang Cebuano slotmen na sina Junemar Fajardo at Greg Slaughter matapos nilang pangunahan ang labanan para sa Season 41 ng Philippine Basketball Association.

Matapos ang quarterfinals ng kasalukuyang Commissioner’s Cup, may pagitan lamang na .01 statistical points ang nangungunang Beermen center na si Fajardo na may natipong 27.52 SP’s, at ang Barangay Ginebra Kings slotman na si Slaughter sa pinakamahigpit na labanan para sa highest individual award ng liga.

Mula sa dating 4.2 SP na naghihiwalay sa kanila pagkaraan ng Philippine Cup, mas lalong naging dikit ang laban ng dalawang higante ng liga sa mid season conference.

Malayu- layo namang pumapangatlo sa kanila ang masipag na forward ng NLEX na si Sean Anthony na may natipong 23.1 statistical points.

Anong luto ni Chloe ang masarap para kay Caloy lalo na 'pag umuulan?

Kasama naman nila sa top 5 at may .4 puntos lamang na pagitan sina Globalpprt guard Terrence Romeo (22.8), at Alaska forward Calvin Abueva(22.4).

Sa labanan naman para sa top rookie, nakakaungos ang second overall pick at Talk N Text forward na si Troy Rosario na may natipong 16.58 statistical points.

Pumangalawa naman si Meralco guard at dating Ateneo standout Chris Newsome na may 16.00 SP’s at pangatlo si Blackwater forward Art de la Cruz na may 14.77 SP’s.

Nakahanay din sa top 5 si Rain or Shine Fil-Nigerian guard Maverick Ahanmisi na may 14.76 SP’s at ang top overall pick noong nakaraang draft at teammate ni Rosario na si Fil-Tongan Moala Tautuaa na may 13.76 SP’s.

(Marivic Awitan)