Alden at Maine

Ni NORA CALDERON

OFFICIAL nang inihayag ni Lola Nidora (Wally Bayola) na may solo movie nang gagawin sina Alden Richards at Maine Mendoza.  

Ginanap ang announcement bilang sorpresa sa AlDub Nation, na isinabay sa celebration ng magka-love team ng kanilang 9th monthsary sa kalyeserye ng Eat Bulaga noong Sabado, April 16.  

Tsika at Intriga

BINI Aiah, nagsalita na tungkol sa isyu ng personal space at privacy

Bago pa iyon, naghayag na rin ang AlDub Nation na muli silang magtu-Twitter party at gusto nilang umabot ang Twitter count ng 9 million.

Isang linggong inihanda ni Lola Nids ang sorpresa niya sa apong si Divina at kay Alden. Noong Biyernes, dumating ang isang malaking pink box para kay Alden sa Broadway studio. Ang bilin ni Lola Nids, sabay-sabay nilang bubuksan iyon ng Sabado.

Punumpuno ang Broadway studio ng fans na kung saan-saang nanggaling, may mga umuwi pa kaming friends from California and Qatar na nakipagsiksikan sa pila para lamang makita nang personal sina Alden at Maine.

Bago finally binuksan ang ‘mahiwagang pink box’ ay nagkaroon muna ng dance number sina Alden at Maine, habang ipinakikita sa dalawang video wall ang memorable moments nila sa loob ng nakaraang siyam na buwan.

Nang ilabas ang mahiwagang pink box, naging emotional si Lola Nidora.

“Marami nang pinagdaanang hirap ang apo naming si Divina at si Alden,” sabi ni Lola Nids. “Maraming bumabato sa dalawa pero natutuwa ako dahil hindi galit kundi pagmamahal at kasiyahan ang ibinigay nila sa mga fans nila na hindi nagsasawa sa pagsuporta sa kanila.  Hindi man sila naiintindihan ng ibang tao, sa palagay ko ay dumating na ang tamang panahon at pinag-isipan kong mabuti ang sorpresang ito.”

Nabitin man sa announcement ni Lola Nids, lalo namang natuwa ang audience nang magkatulong sa pagbubukas sa malaking kahon sina Alden at Maine. Ang unang nakuha ni Alden ay drawing ng wedding gown, na para kay Yaya Pak (Boobay) pala. Sabi ni Lola Tinidora (Jose Manalo), kunwari raw ay ayaw ni Lola Nids, gusto naman pala niyang ipakasal na ang dalawa. Baby doll ang sumunod na nakuha ni Alden, manyika raw iyon sa Belen nila sa mansiyon, sabi ni Lola Nids.

Finally, nakuha na ni Alden ang director’s clapper board na may nakasulat na ‘movie’ starring Maine Mendoza at Alden Richards. Iyon na ang pinakahihintay ng mga fans nila.  

Naging emotional na rin si Maine.

“Alam ko pong marami pa kayong gustong ipagawa sa akin, sa aming dalawa ni Alden,” sabi ni Maine na basag ang boses. “Pero hindi ko naman puwedeng pagsabay-sabaying gawin ang mga gusto ninyo. Baguhan pa lang ako at lahat ng mga ginagawa ko ngayon, first lahat sa akin. Ito na po ang dream-come true para sa amin ni Alden, ang solo movie namin. Nangangako akong gagawin ko po ang lahat at hindi ko kayo bibiguin.”

“Maine, mahaba na ang paglalakbay natin, umabot na ng nine months,” emosyonal ding sabi ni Alden. “Hindi naging madali ang paglalakbay natin dahil maraming nagdududa, but at the end of the day, labis-labis ang kasiyahan natin dahil alam nating maraming taong nagmamahal sa atin, tulad ng mga narito sa studio, mga kaibigan at kasama sa trabaho. Kaya excited na po kaming mag-shooting at nangangakong pagbubutihin ang lahat ng gagawin namin. Maine, let us prove them wrong.”

Mahigpit na nagyakap ang dalawa sa katuwaan ng audience sabay ng pagsasabi ni Lola Nids na ang pelikulang gagawin nina Alden at Maine ay tatatak sa mundo ng pelikula. Isinunod naman ni Allan K na sa oras na iyon, 2:40 PM, ang tweets ng AlDub Nation here and abroad ay umabot na ng more thant 5 million, using the hashtag na #ALDUB9thMonthsary.  At 11:59 before midnight of April 16, umabot ang tweet counts ng 9.33 million.   

Muling pinatunayan ng AlDub Nation ang kanilang bayanihan.